SINULAT NI DANNY PERALTA, Tagalog Association of Australia
MULA’T sapol noong unay Pilipino akong ganap
Nananatili sa aking isipan at puso, ang kayumangi kong anyo
Hindi dapat ipagkait yaring tunay na dugo
Matapang, mapagmahal sa sariling bansang sawi sa aruga at pagsuyo.
Ano pa kayang pagibig ang hihigit sa lahat
Lubos ang pagkadalisay at pagkadakila na tunay na ibibigay
Gaya ng pagibig na inihahandog sa ating Inang bayan
Wala na ngang ibang pagibig, buhay man ay ibibigay.
Musmos pa ang isipan ay nahubog na sa kadakilaan
Ng mga bayaning nauna gaya nila Bonifacio, Mabini at Rizal.
Sila ang nagbigay ng pondasyon sa mga kabataan.
Iniwan sa atin ang tungkuling paglingkuran ang ating inang bayan.
Ang ating mga bayani ay siyang ninanasa
Kung ang ating bansa ay nasa panganib, na tayong lahat ay magkaisa.
Ito ang kanilang ipinaglaban upang kalayaan ay makamtan
Dapat ipagtanggol nating lahat na huwag ng mawala ang kalayaan tungo sa
kapayapaan.
Nalagasan man tayo ng mga bunga’t bulaklak
Na nagbibigay buhay sa mga nasalantang ginhawa at galak
Balakid man ito sa ating paghihirap
Sa ating tapang ginhawa ng inang bayan ang siyang makakamtan.
Sa mga hirap nating naranasan sa mga dayuhang mananakop
Sila ang nag bunsod para tayong lahat ay mag away at mag kalansog lansog
Regionalism, nepotism siya ngayong nagiging salot
Na ang naging bunga nito’y mag kanya kanya tuluyang bayanihan ay mawala na.
Sa hirap ngayon ng ating bansa dulot ay kagutuman at kaguluhan
Ito and ninanais ng ating mga politikong walang budhi at magnanakaw.
Walang inaatupag kundi walisin at ibulsa ang kaban ng bayan
Kaya dulot ay paghihirap, kagutuman at pighati sa ating mamamayan.
Panahon na upang ating ibandira ang tunay na dugong Pilipino
Na tayong lahat ay mag kaisa mag aklas at iluklok ang tunay na sasaklolo
Sa ating dangal, na may takot sa Diyos at tunay na magsisilbi sa ating bayan
Atin ng ibasura ang mga politikong ganid sa kapangyarihan at nagpapayaman
lamang at gutumin ang mga mamamayan.
Iyan ang habilin ko sa ating mga kabataan
Matupad kaya itong dakilang tungkulin
Atin bang ihahandog ang pagmamahal sa bayan
At tuluyang masilayan ang ginhawa ng bukang liwayway.
GISING AKING MGA KABABAYAN……
Leave a Reply