Save 20% off! Join our newsletter and get 20% off right away!

Sensus Australia tungkol sa sambahayan gawin sa Martes ng gabi 10 Agosto

LARAWAN -Namamasyal na mag-anak ng nakaraang Australia Day sa Sydney – ANG AUSTRALIAN BUREAU OF STATISTICS (ABS) ay nagsimula nang magpadala ng mga tagubilin kung paano kukumpletuhin ang Sensus sa mahigit 10 milyong sambahayan sa Australya bago ang araw ng Sensus sa Martes ika-10 Agosto. Mga 85% ng lahat ng mga sambahayan sa Australya ay makakatanggap ng liham na nagpapaliwanag kung paano magkumpleto sa online o kung paano humingi ng pormang nasa papel.

Ang ilang mga sambahayan ay maaaring makatanggap sa halip ng pormang nasa papel at sobreng nabayaran na para sa pagsasauli (reply-paid envelope). Kasama rito ang mga internasyonal na mag-aaral at mga bisita na naninirahan sa mga lugar tulad ng mga hotel, kampingan o tirahan para sa mga mag-aaral. Mayroong mga tagubilin sa pormang nasa papel kung nais nilang kumpletuhin ito sa online.

Si Andrew Henderson, Census Executive Director at National Spokesperson ay nagsabing, “mangyaring tingnan ang inyong letterbox. Hinihimok namin ang mga tao na kumpletuhin ang kanilang Sensus, sa sandaling matanggap nila ang kanilang mga tagubilin, kung alam nila kung nasaan sila sa Martes ika-10 Agosto.

“Nangangahulugan ito na hindi ninyo kailangang maghintay at magkumpleto sa isang gabi lang. Alam namin na ang kakayahang umangkop (flexibility) na ito ay gagawing mas madali para sa mga tao ang pagkumpleto.

“Magagawa ng mga tao na kumpletuhin ang Sensus sa online, sa kanilang mobile device o sa papel. Ginagawa rin namin itong pinakamadali hangga’t maaari para sa lahat na lumahok sa Census na may hanay ng suporta at tulong na makukuha. “

Binigyang-diin ni G. Henderson ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga multikultural na komunidad upang mapabilang sa Sensus.

“Ang impormasyon sa sensus, tulad ng bansang sinilangan at mga wikang ginagamit sa bahay ay tumutulong sa kaalaman ng mahahalagang serbisyo at suporta para sa mga komunidad ng migrante at refugee sa buong Australya.

“Magkakaroon ng suportang harap-harapan kung saan pinahihintulutan ng mga paghihigpit sa COVID-19, kabilang ang mga pop-up-hub, at mga sesyon sa pagpunan ng form.

“Kung kasalukuyan kayong nasa lockdown, mayroong magagamit na tulong sa wika. Ang nakasaling-wikang impormasyon ay nasa aming website, o maaari ninyong tawagan ang Serbisyo ng Pagsasalin at Pag-iinterprete (TIS National) sa 131 450. ”

Si Omer Incekara, Miyembro ng Lupong Tagapayo ng Multicultural NSW at tagasuporta ng 2021 Census ay nanawagan sa multikultural Australya na lumahok.

“Ang mga datos ng sensus ay ginagamit sa paggawa ng mahahalagang desisyon ng mga organisasyong pangkomunidad, pamahalaan at mga negosyo tungkol sa mga serbisyo at mga inisyatiba na direktang nakakaapekto at makakasuporta sa ating mga komunidad.

“Bawat tao sa Australya ay may magagawang kabutihan para sa kanilang mga komunidad, sa pamamagitan lamang ng pagiging kabilang. Ang mga bilang ng mga wika at bansang kapanganakan ay napakahalaga dahil nakapagbibigay ang mga ito ng isang iglap na  larawan ng ating lumalaki at nagbabagong mga multikultural na populasyon. ” Para sa karagdagang impormasyon sa inyong wika, bisitahin ang www.census.abs.gov.au/language