Save 20% off! Join our newsletter and get 20% off right away!
2018 Blacktown Balagtasan

Obet Dionisio: Kasaysayan ng Balagtasan

TALA – Binigkas ni G.Obet Dioniso  ng Quakers Hill,NSW .lider komunidad at makata na kasapi ng Tagalog Association of Australia sa  “Balagtasan” na ginanap sa The Hub, Mt Druitt, NSW kaalinsabay ng “Buwan ng Wikang Pambansa” , datiratiy Linggo ng Wikang Pambansa na ipinagdiriwang sa Pilipinas. sa buwan ng Agosto).

MAGANDANG Hapon po sa inyong lahat. Nagbibigay pugay po ako sa inyo sa pagdalo ninyo sa aming Balagtasan. Sapagkat ngayon ay Buwan ng Wikang Pambansa , pahintulutan po ninyo na magsalita ako sa Wikang Tagalog o sa makabagong tawag na Pilipino.

Ako po ay naatasan ng pamunuan ng aming samahan na ipaliwanag sa inyo ang pinagmulan ng Balagtasan.

Ano nga po ba ang Balagtasan? Ang Balagtasan ay pagtatalo ng dalawang panig na dinadaan sa pagtula ang pagbikas ng kani-kanilang katuwiran, na ang lahat ng sasabihin bawat talata ay may angking sukat at tugma.

May isang paksa na paglalabanan ng mga Makata o Mambabalagtas.  Mayroon ding Taga-pamagitan na ang turing ay Lakandiwa kung Lalake at Lakambini kung Babae.

Kay Francisco Baltazar ba o sa kanyang tanyag na bansag na Francisco Balagtas nagmula ang ating tinatawag ngayong Balagtasan?  Hindi po. Salungat po sa kaalaman ng karamihan, hindi po kay Balagtas nanggaling ang Balagtasan.  Hindi po siya ang nagsimula ng Balagtasan.  Tingnan po natin kung kalian ipinanganak si Balagtas, kailan siya namatay at kailan nagsimula ang Balagtasan.

Ayon po sa na nakatala sa kasaysayan ng Panitikang Pilipino, si Balagtas po ay ipinanganak nuong Abril 2, 1788 at namatay nuong Feb. 20, 1862. Nagsimula po ang Balagtasan nuong Marso 28, 1924.  Samakatuwid po, ang Balagtasan ay nagsimula Isang Daan at Tatlumpo’t Anim na Taon (134 years) mula nuong  ipinanganak si Balagtas.

ANIMNAPO  at Dalawang Taon (62 years) mula ng siya ay namatay.  Kaya po wala pong kinalaman si Balagtas sa Balagtasan, maliban sa ang Balagtasan ay hinango lamang sa kanyang pangalan bilang parangal. Hindi nga po nalaman ni Balagtas na mayroon Balagtasan ipinangalan sa kanya.

Ating pong linangin ang kasaysayan ng Balagtasan.

Ang paglalahad po ng kuwento sa pamamagitan ng pagtula ay pinasikat ni Francisco Balagtas ng sulatin niya ang nobelang Florante at Laura. Dito po sumikat si Balagtas. Ngunit hindi po Balagtasan ang uri ng kanyang pagsusulat.  Ang Florante at Laura po ay isang kuwento.

Nagsimula po ang Balagtasan nuong Marso 28, 1924 nag magtipon-tipon ang mga Makata mula sa Bulakan at iba pang katagalugan bilang paghahanda sa kaarawan ni Francisco Balagtas.

Ang unang taong naka-isip at nagmunkahi ng pagtatalo sa pamamagitan na pagtula ay isang Abogado na nagnga-ngalang Patricio Dionisio, at siya rin ang nagmungkahi na ipangalan ito kay Francisco Balagtas.  Sapagkat ang pagtatanghal ay gagawing pagtatalo, bilang Abogado at bihasa sa pagtatalo, si Patricio Dionisio din po ang gumawa ng kauna-unahang balangkas o “Script” ng Balagtasan.  Ito po ay nalathala nuong Abril 5, 1924.

Pagkatapos po nito ay kanilang naisipang magtanghal ng Balagtasan upang matunghayan at madinig ng mga mamamayan kung ano ang Balagtasan at maging aliwan at panuorin ng bayan. Para sa gagawing  pagtatanghal, nag-anyaya sila ng iba pang Makata na maaring pagpilian kung sino ang sasali sa unang Balagtasang itatanghal.

Bagamat Abogado si Patricio Dionisio, mahusay lamang siyang gumawa at kumatha ng tula ngunit hindi siya kasing-husay ng ibang mga Makata sa pagbigkas ng tula.

Ang naatasan magtanghal ay pinangunahan ni Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute at Florentino Collantes o Kuntil Butil.  Dito na sumikat sina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes sa larangan ng Balagtasan.

Sila ring dalawa ang nagpasikat ng Balagtasan sa ibang pook ng bansa at kinilalang mga Hari ng Balagtasan.

Iyan po ang kasaysayan ng Balagtasan.  Bilang pagpapatunay po, ito po ay mababasa ninyo sa “Kasaysayan at Antolohiya ng Balagtasan na isinulat ni GALILEO S. ZAFRA,

Matutunghayan din po ito sa Kasaysayan ng Panitikan Pilipino. Hanapin po lamang sa “Internet” ang paksang “Hindi Galing kay Balagtas ang Balagtasan”. At huling pagpapahayag po.  Ito po ay nakasulat din sa Aklat na “Hagonoy, A Shared Past”, Pahina 31, na may artikulong “Patricio Dionisio, Ama ng Balagtasan”.

Ako po ang sumulat nito at dito ay inilahad ko ang mga pagpapatunay ng mga taong may kaugnayan kay Patricio. Si Marietta Dionisio ng asawa ni Patricio Dionisio at dalawa niyang kapatid na si Toribia Dionisio at Donato Dionisio.

Kung inyo pong itatanong kung ano ang kaugnayan ko kay Patricio Dionisio, siya po ay aking Tiyo sapagkat ang aking amang si Placido Dionisio ay kapatid niya.

Salamat Po. (Obet Dionisio, Makatang Sampaybakod