Matagumpay na tinapos ni Premier Gladys Berejiklian ang apat na araw na misyon na nagsusulong sa kalakalan, negosyo at inobasyon ng NSW sa pamamagitan ng pagbisita sa Pilipinas sa huling bahagi nito.
Ayon kay Ginang Berejiklian ang tagumpay ng mga internasyonal na pakikipagtuwang ng Estado ay sumasalamin sa mataas na katayuan ng NSW sa entablado ng mundo.
“Ang relasyon natin sa Pilipinas ay mas malakas kaysa dati, na nagbibigay-daan sa atin upang matamo ang patuloy na pag-unlad sa kalakalan at mga trabaho para sa NSW,” ayon kay Ginang Berejiklian.
“Ang pagbubukas ng lumalagong mga merkadong ito para sa mga negosyo sa NSW ay sisiguro na ang ating ekonomiya ay magkakamit ng benepisyo mula sa malakas na internasyonal na kalakalan at inaasahan ko ang paghahanap pa ng panibagong mga ugnayan sa ating mga kaibigan sa Maynila.
“Itinuturing ng maraming tao mula sa Pilipinas ang NSW bilang kanilang tahanan at napakagandang patatagin ang mga ugnayan ng mga tao at pati na rin ang pagpapalago ng ating mga ugnayan sa ekonomiya at kalakalan.”
Sinamahan ng Sekretarya ng Parlamentaryo na si John Sidoti ang Premier sa kanyang kauna-unahang misyon na pang-kalakalan sa Pilipinas.
“Isang karangalan ang makasama sa Premier at maitaguyod ang NSW,” ayon kay Ginoong Sidoti.
“Walang duda na ang mga ugnayang bilateral na naitatag sa misyong ito ay palalaguhin pa sa darating na mga taon.”
Ang pagbisita sa Pilipinas ay kasunod ng tatlong araw sa Tsina kung saan ipinahayag ng Premier ang mga bagong inisyatiba sa edukasyon, kalusugan at turismo.
Leave a Reply