Save 20% off! Join our newsletter and get 20% off right away!

Tula: “Minamahal kong Osei-San”

Sa pag-iibigan ni Dr. Jose Rizal at ni Osei-san

Tula ni RADO GATCHALIAN –

Minamahal kong O-Sei-San,

Ang aking puso’t alaala ay iiwan sa iyong bayang Japan;

Batid kong iniwan ko rin sa iyo ang isang mabigat na kalungkutan,

Ang iyong pagtangis sa gabi at araw,

Hindi ko kayang pagbayaran,

Walang kapatawaran ang aking paglisan…

Minamahal kita nang lubusan,

Totoo ito aking mahal na O-Sei-San;

Subalit ang kapalaran ay sadyang mapaglaro,

Kailangang pumili sa pagitan ng bayan at puso;

Ayaw kitang iwan kung maaari lang

Subalit naghihintay sa akin ang Inang Bayan.

Masakit man sa akin ang ikaw ay iwan,

Pipilitin kong tiisin, kahit na anong hirap,

Ang pag-ibig sa aking lupang sinilangan

Ay hindi ko kayang talikuran;

Patawad mahal kong O-Sei-San,

Subalit tandaan mong hindi kita malilimutan.

Ang iyong ganda’y kawangis ng pulang araw,

May init sa damdamin, may kakaibang kapangyarihan,

Ang iyong ngiti’y bulaklak na aking hahalikan,

Sa aking puso’y may halimuyak hanggang kamatayan;

Paalam sinisinta kong O-Sei-San,

Sayonara, sayonara, aking minamahal.