Save 20% off! Join our newsletter and get 20% off right away!

“Ang Sa Iyo Ay Sa Akin” TFC teleseries tampok sina Jodi Sta Maria, Iza Calsado and Sam Milby

Dalawang magkaibigang paghihiwalayin ng mga pagkakamali ng nakaraan at ipaglalaaban ang tingin nila ay nararapat, dito tatakbo ang kuwento ng bagong ABS-CBN TV series na “Ang Sa Iyo Ay Akin,” na mapapanood sa labas ng Pilipinas via TFC simula Agosto 17.

Magsasama-sama sa serye na ito ang ilan sa malalaking artista sa pangunguna nina Jodi Sta. Maria at Iza Calzado kasama sina Sam Milby at si Diamond Star Maricel Soriano.

Kilalanin sina Marissa (Jodi) at Ellice (Iza), ang matalik na magkaibigan mula sa magkaibang mundo. Mayaman at mula sa maimpluwensiyang pamilya si Ellice, samantalang simple lang ang pamumuhay ni Marissa kasama ang nanay niyang si Lucing (Maricel).

Halos magkapatid na ang turingan ng dalawa, ngunit sa isang iglap magbabago ang lahat–aksidenteng mapapatay ni Ellice ang anak ng isang kilalang politiko na magtatangkang gahasain siya, at si Marissa ang aako sa kasalanan ng kaibigan kapalit ang pera at ang pangakong hindi siya makukulong na alok ng ama ni Ellice.

Sa kasamaang palad, walang matutupad sa lahat ng ito at pagdurusahan ni Marissa ang lahat sa loob ng bilangguan. Walang kaala-alam sa sinapit ng kaibigan, itutuloy naman ni Ellice ang buhay sa U.S. at makikilala si Gabriel (Sam), ang lalaking magpapatibok sa puso niya at kaniyang magiging asawa.

Sa pagbalik nina Ellice at Gabriel sa Pilipinas, muling magkukrus ang landas nina Ellice at Marissa, pero wala na ang Marissa na dating nakilala ni Ellice. Puno na ng poot si Marissa at pilit aagawin ang lahat ng meron si Ellice–pera, ari-arian, at maging ang asawa niya–at wala siyang ititira hanggang makuha niya ang hustisyang kaniyang inaasam.

Saan nga kaya mauuwi ang plano ng paghihiganti ni Marissa kay Ellice? Patuloy pa kayang maipaglaban ni Ellice ang pagmamahal niya kay Gabriel kung tuluyan na itong makuha ni Marissa?

Ang “Ang Sa Iyo Ay Akin” ay sa ilalim ng direksyon ni F.M. Reyes at Avel Sunpongco, at produksyon ng JRB Creative Production.

Huwag palampasin ang kaabang-abang na kuwento ng “Ang Sa Iyo Ay Akin” na mapapanood sa TFC cable at satellite, at sa TFC Online at TFC IPTV simula August 17.

Para sa updates, bisitahin ang official TFC Facebook pages na akma sa inyong kinaroroonan, o bisitahin ang mytfc.com.