Nadapâ sa entablado ng opinyong publiko ang pahayag ni Presidente Noynoy Aquino tungkol sa Priority Develop-ment Assistance Fund (PDAF).
Binuhay ng Pinoy netizen sa katotohanan ang birtwal na galit nila sa pandarambong. Nakatuon sa mga lumustay ng kabang yamang hinamig sa sariling bulsa ng mga hini-hinalang magkakasabwat.
Ang paggigiit ni PNoy na panatilihin ang pork barrel ay saglit na nanahimik habang rumaragasa ang bagyong Maring. Nang manindigan at manawagan ang nagkakaisang mamamayan na magmartsa para ipakita ang pagtutol, nayanig ang presidente sa ma- sigabong tinig na nanawagan sa pagbaklas ng PDAF. Kaya, iminungkahi niya ang isang sentralisadong mekanismo at ang balak na baguhin ang pangalan nito. Opisina lamang ni PNoy ang magiging may kontrol sa kabang-yaman.
Napatotohanan na ng mala-wakang pakanang panda-rambong sa PDAF, na takti-kang pang-eleksiyon at palagay lamang ang Walang Mahirap Kung Walang Korap, islogan ni PNoy noong 2010. Tatlong taon pa lang siya sa Palasyo, kalahati ng termino. Ayan, sumambulat na ang korapsiyon bilang isa sa mga problemang pinaliparan-hangin niya sa pangangampanya at apat na SONA. Parang halimaw na sanggol itong lumuwal mula matris ng sistemang bulok na kapapanganak ulit.
Napaiyak si Arsobispo ng Maynila, Luis Antonio Cardinal Tagle, sa tindi ng alingasaw ng pandarambong. Pero nagbabayad ng upa ng P280,000.00 bawat buwan sa palasyo ni Napoles sa Forbes Park si Monsignor Josefino Ramirez katumbas ng “ispirit-wal” na serbisyo sa kasera. Gustong hamangulgol ni Chairperson Gracia Pulido-Tan, Commission on Audit, sa bilyones na halaga ng dinam-bong galing sa balanse ng kabang yaman. Mabuti at napansin ni Kongresman Jonathan de la Cruz, Abakada Party List, na 2007-2009 na PDAF lang ang binusissi ng COA. Hindi naisama ang taong 2010, panahon ng simula ng pagluklok ni PNoy. Si PNoy ay may mga pondo ring abot P1 trilyon para sa 2014. Pero hindi PDAF ang tawag sa mga ito.
Gayunman, luminaw ang pagmamatyag ng mga Pinoy netizen nitong Agosto 26. Mapanlikha at militante ang saloobin nilang magprotesta sa Luneta, at iba pang sentrong lungsod ng bansa. Maging sa US, Hongkong at ibang panig ng daigdig na may naninirahang Filipino. Napatunayan nila sa kasaysayan na sa pamamagitan ng isang social media na hindi lamang birtwal, kundi tunay ang mga mamamayang tutol at ang pagtutol mismo. Sino ba naman ang papayag sa napakasakim na ugaling ito kundi kapwa rin ng nagtatagong mandarambong?
Inaantabayanan ngayon ng mamamayan ang nagsimula nang imbestigasyon nito sa senado. Inaasahan nila ang magiging resulta na mauwi sana sa paghahatid ng kata-rungan. Pabor sa mamamayan na mukhang harap-harapang dinadambungan, pinagsisi-nungalingan at inuuto: ng mahigit sa 74 na mambabatas na may labis-labis na alokasyon, at 200 namigay ng P6 bilyon para sa 82 NGO at mga proyekto nitong hindi man lang nagpaparamdam.
Sinasabing mahigit sa isang dekada na naging suki ng modus ni Napoles ang mga dawit. Sinasabi ring Standard Operating Procedure (SOP), Congressional Initiatives Allocation (CIA) at Country-wide Development Fund (CDF) ang dating tawag sa PDAF mula nang patalsikin ang diktador noong 1986.
Ang pag-iral ng iba-ibang katawagang ito sa kabang yaman ng bayan, sa panahon ng mga nagsalitsalitang adminis-trasyon, ay katibayan ng pag-iral din noon ng korapsiyong kapareho rin ng modus operandi ni Napoles. Una nang inilantad ito ni Kong. Romeo Candazo noong 1996.
Lumalabas na pagkalansag na pagkalansag pa lamang ng diktadura, mayroon nang naipunla kaagad ang semilya ng magulang na halimaw sa matris ng pinanumbalik na demokrasyang ngayon ay nilolosyang.
Kapapanganak ulit ng halimaw na korapsiyon. Nalantad ang mga katawang-tao nito sa senado, kamara, mga kagawaran ng gabinete, simbahan, NGO-NGO-han, bokal (provincial governors), konsehal at mga sangguniang barangay. Itong huli ay pagbobotohan na ulit sa susunod na buwan. Ganito lumawak ang mga galamay ng katiwalian sa “Lupang Hinirang”. Ang naglipana sa social media na mga litrato nila Napoles at ng mga beteranong tradisyonal na pulitiko, na nakangiti ay hindi para sa kodakan lamang. Nagpapakita ito nang malalim at matibay nilang samahan.
Samahang nagpapakita ng ugnayan ng mga padrino at mga suhulan bilang mga amo at tauhang kailangan ng opur-tunismo ng isa’t isa. Padrinong ang pangangailangan ay ipinagtatrabaho ng tauhang suhulan. Tauhang ipinagtatrabaho ang suhol imbes na regular na kita at mga benipisyo.
Isang kalakarang pinagagana ng ugnayan ng mga oportunista at pera. Isang ugnayang pinasisimunuan ng padrino at tinatanguan ng mga suhulan. Sa ganitong paraan, ang tauhang suhulan na susuway sa mga patakaran ng among padrino na may monopolyo ng pera ay epektibong biktima na pagkakaitan ng suhol hanggang sa siya ay mapatango. Hanggang kay PNoy ay ganito ang kalakaran.
Kung kukuwentahin mula 1986, panahon ng People Power, may 27 taon nang lumipas nang kamtin ng mamamayan ang pag-asang simulan noon ang pagbabago. Pero sinasabi na ang pagbabagong ito ay matagal nang inabandona ng mga tradisyonal na pulitiko (trapo). Sa tradisyon ng mga musikong rocker, ang 27 taon ay palatandaan ng pagsapit sa tugatog ng tagumpay. Sa ganitong idad tumingkad ang mga talento at nangamatay sila Robert Johnson, Brian Jones, Jim Morrison, Janis Joplin, Jimi Hendrix, Kurt Cobain, Amy Winehouse at iba pang henyong mga alagad ng sining. Pero legasiya ang kanilang kahusayan sa musika, sining at kultura.
Pero walang katapusan ang pagnanasa sa pera ng mga tiwali at trapo. Ika-27 taon na nga ito ng pag-abandona sa sinasabing diwa ng politika ng pagbabago. Sukdulan ang kasakiman ng mga nagkatawang-trapo, mga tagasulsol ng pandarambong. Nakatala na sa kasaysayan ang martsa ng isang milyon sa Luneta. Muling bumuwelo ng pagsasaysay ng Filipino para ang salot ng korapsiyon ay mailibing na sana. Saka haharapin ang sunod na antas ng paglutas sa mga pambansang problema.
Para sa reaksiyon, mag-email sa avetzki@yahoo.com
**Ang Lupalop ay pagla-lakbay, pangingibang-dagat.
Leave a Reply