Regular na idinaraos ang Metro Manila Film Festival kapag Pasko hanggang sa mga unang araw ng bagong taon. Matagal na akong tumigil sa pagpila para manood ng mga lokal na pelikula. Karamihan kasi ng napapanood ay kapos sa kalidad. Nitong 2012 lang ako nagtangka dahil iba ang inaasahan sa bagong dugong filmmakers.
At ang pinanood ko ay ang El Presidente, halaw sa buhay ni Heneral Emilio Aguinaldo na isa sa mga naging malaking tao sa kasaysayan ng Pilipinas.
Masasabing epiko ito. Tinakda ang panahunan ng tagpuan, mula 1890s nang cabeza de barangay pa lamang si Emilio Aguinaldo, hanggang kamatayan niya noong 1964. Bakit hindi nagtuon ang pagsadula ni Mark Meily, manunulat at direktor, ng kasaysayan ni Aguinaldo sa espisipikong yugto ng buhay ng naging isa sa mga kontro-bersiyal na personalidad ng ka-saysayan ng lipunang Pilipino? Librong Mga Gunita ni Emilio Aguinaldo+ ang hinalawan ng istorya. Hindi malayong isipin na ang librong ito rin ang sanggunian ng mga saliksik ng mga impormasyong kinai-langan sa pagsadula ng kuwento ng buhay ni Aguinaldo.
Isang babaing hukluban ang lumitaw sa bakuran ng dampang tahanan ng sinisingil niya ng buwis. Umapila ang hukluban na wala siyang pambayad. At dahil nakurot ang puso ni Miyong ng kahirapan ng hukluban, hulaang pinalit na pambayad. Maghahari raw si Miong sa lupaing hindi siya kikilalanin. Saka umusad ang kuwentong alam na sa kasaysayan: ang pagrekruta sa kanya sa Katipunan; ang alingawngaw ng Sigaw ng Pugad Lawin matapos mabunyag ang lihim na samahan; atbp. Sa sunod na dalawang beses na paglitaw ng hukluban, namalikamata na lamang si Aguinaldo.
Itinakda ng kapalaran ang pagkamandirigma at pagiging unang presidente ng republika ni Aguinaldo. Ito ang impli-kasyon ng sinangkap na hula sa naging papel niya sa kasaysayan ng lipunang Pilipino. At kung sa libro ni Aguinaldo mismo galing ang talos na ito sa rebolusyonaryong yugto ng buhay niya, bukod na pinagpala siya ng Diyos sa pagkakaroon ng timpi. Imbes na nalinaw sana ang mga kontrobersiya ni Aguinaldo, pinanindigan lang ang perspektiba sa kasaysayan na mga pagpapadalos at kapu-sukan ni Andres Bonifacio. At sulsol ang mga kasama ni Aguinaldo sa Magdalo.
Bagay ang itsura ng pelikula sa panahunan. Walang kala-bisan ang disenyo ng produksiyon na unang unang mapapansin sa sinasabing istoriko o period film tulad nito. Pati ang iba-ibang tekstura ng footage ay naka-pagpasidhi ng pakiramdam na ang pinanonood ay pinaka-malapit sa katotohanan ng kasaysayan. Asiwa nga lang ang akting ng ilang aktor, kasama si Jeorge E. R. Ejercito, na parang nasa pang ala-siyete ng gabing teleserye. Akala ko ayaw ng bagong dugong direktor ng melodrama. ‘Yon pala ay nauwi rin sa trato ng ganoong katalamak na sining ng akting.
Sa bandang dulo ay nagpalit-anyo ang hukluban sa kadala-gahan niya. At parang bugtong na nahulaan ni Aguinaldo kung sino siya. Sa mga pre-Hispani-kong epiko ng Pilipinas unang lumabas ang sangkap ng babae o lalaking nagpapalit anyo. Pero noong mga huling taon ng kolonyalisasyon ng mga Kastila ng bansa ay nakarating na sa Pilipinas ang siyensiya. Bagay na hindi na pinagtuunan ng pelikula kaugnay ng pananaw sa pananakop ng mga dayuhan. Kaya naman mahina ang karakterisasyon kay Aguinaldo. Nagmistulang intrigahan lang tuloy ang nangyari sa Katipunan.
Noong Himagsikan 1896, napakatiyak ng mga kilos ng mga mananakop at makabayan. Panlipunang penomenon itong pinalabo ng palagay ng hula at kapalaran.
Kung mayroon man akong napatunayan sa muling panonood ng pelikula sa okasyon ng MMFF at pelikulang Pilipino, ito ay ang: hindi garantiya ang pagka-karoon ng bagong dugo sa daloy ng industriya para tumino ang paggagawa ng pelikula.
+Maraming istoryador ang naniniwala na hindi si Heneral Emilio Aguinaldo ang sumulat ng orihinal na teksto ng Gunita ng Himagsikan na isinalin sa Kastila bilang Reseña veridica de la revolucion Filipina at sa Ingles bilang True Version of the Philippine Revolution na ang orihinal na kopya ay nalathala sa Kastila, una noong 1899 sa Tarlac at sa Nueva Caceres (Lungsod ng Naga) at ang Ingles na walang petsa ay malamang nalathala nong 1899. Ayon kay istoryador Leandro H. Fernandez sa isang ulat sa Reseña na nalathala noong 1941: ‘Kahit na ang pangalan ni Don Emilio Aguinaldo ay nakalagay bilang may katha, karamihan sa mga iskolar ay nagpahayag ng hindi paniniwala sa pagiging awtor ni Aguinaldo ng nabanggit na dokumento dahil ayon kay Kapitan John R. M. Taylor, ‘ang ilang bahagi ng orihinal na manuskrito na naitago kasama sa mga ‘Insurgent Records’ ay sa panulat kamay ni Felipe Buencamino, at hindi ni Aguinaldo. Maaaring ang katha na inihanda sa Tagalog ay sa utos at sa direksyon ni Heneral Aguinaldo at isinalim naman sa Kastila ni Felipe Buencamino, Kalihim ng mga Ugnayang Panlabas, dahil sa sinabi nito sa isang sulat kay Galicano Apacible sa Hongkong na may petsa Setyembre 10, 1899, ‘ang Reseña ay isinulat na nag-iisa ni Don Emilio at aking isi-nalin.’ Sa lahat ng pagkakataon, maaaring ang polyeto ay hindi lamang isinalin sa Kastila ni Felipe Buencamino kundi binago pa niya ito.’
Para sa mga reaksiyon, mag-email sa avetzki@yahoo.com
**Ang Lupalop ay paglalakbay, pangingibang-dagat.
Leave a Reply