Save 20% off! Join our newsletter and get 20% off right away!

Alegorya ng Etiketa ng Pantalong Amerikano

Pagtakwil ng mga trapo (tradisyonal na pulitiko) sa diwa ng unang People Power mismo ang pruweba kung bakit parang etiketa ng pantalong Levi Straus & Co. ang antas ng pag-unlad ng Pilipinas.

 Ang nangangabayo sa gawing kanan ay nakahataw sa hayop ang latigo. Puwedeng representasyon ng mayayaman na lalo pang yumayaman. Ang sa kaliwa naman ay hahataw pa lang. Puwedeng represen-tasyon ng mamamayang mise-rable ang buhay at lalo pang nababaon sa hirap.

 Kung sino ang maagap humataw na nangangabayong ay makararating nang maaga sa pag-unlad na paroroonan?

 Halos isang buwan bago mag-Eleksiyon 2013, inianunsiyo ni PNoy ang 6.6 na porsiyentong paglago ng GDP bilang senyales ng kaunlarang pang-ekonomya nitong 2012.

 Ipinaramdam ng presidente sa midya ng may pagmamalaki sa pinursigeng ito ng kanyang administrasyon. Dapat. Hindi para matuwa lamang sa kilitian at panalo sa pataasan ng ihi sa sinasabing kaunlaran.

 Kundi kahit sinong pambansang administrador ay tunay na makararamdam ng tuwa at pagmamalaki para sa kanyang mga nasasakupan.

 Lalo pa’t ang mga nasasakupang ito ay pinaasa ng salitang “kaunlaran” gaya ng kaunlarang ipinangako pareho ng mga “natalo”, totoong talunan at nagsipanalo.

 Maging ang mga ipinangako ng mga trapo mula sa panahon ni Pres. Cory Aquino hanggang sa mga nagsiupo sa puwesto noong sinundang Eleksiyon 2010.

 Ang pagtatamas sana ng pagbabago para sa karaniwang mamamayan ang basehan ng tunay na tuwa at  pagpapa-kumbaba ng isang sumasakay sa limousine na numero uno ang plate number, kahit pa wala itong wangwang.

Moody Analysis

 Tumanggap ng nakakikilig na kiliti sa Moody’s Analytics, Fitch Ratings, WB-IMF, etc., ang pag-unlad na nakamit ng PNoy Administrasyon.

 Parang mga maestrong nag-sihimas sa buhok ng pinakabibong aprentis nilang binansagang Rising Tiger ng Asya. Pero tuluyan itong ginusot ng anunsiyo rin ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan, halos parehas lang  daw ang insidente ng kahirapan sa mga huling taon ni Pres. Gloria Macapagal Arroyo at ni PNoy.

 Naglalaro sa 27.9 na por-siyento nitong nakaraang 2012, 28.6 na porsiyento noong 2009 at 28.8 porsiyento noong 2006. Walang pag-unlad na pinaguusapan dito kung gayon? Parang palabas lang ng madyikero sa pagdiriwang ng birtdey ng isang anak-mayamang nabalitaan ng mga kababayang nanonood ng TV  na segunda mano sa kanya-kanyang barong-barong. May inggit sa mga laruang plastik na naiuwing pakimkim kung naimbita sana.

 Hindi ito ang unang pagkakataong nagkabuhol-buhol ang mga anunsiyo ng presidente at ng kanyang mga kalihim. Noong kauupo pa lang ni PNoy, nagkontrahan agad ang anunsiyo niya at ng ilang taga-pagsalita kaugnay sa nangyaring pangho-hostage ng isang pulis sa Luneta.

 Isang indikasyon at nabubuong padron ang pagkaka-buhol ng mga anunsiyo nina PNoy at Sec. Balisacan na ang 6.6 na porsiyentong kaunlaran ay limitado lamang.

 May nasagap na hinihinalang kontrobersiya tuloy ang midya nang ipuwera si Sec. Balisacan sa listahan ng mga orihinal na kasama delegasyon sa ika-22 miting ng Asean sa Brunei noong huling linggo ng Abril.

 Pero dahil pinasisigabo ng dilaw na kompeti ang kasikatan ng presidente, hindi pansin ng mamamayang putimputi na ang  mga mata ay nakatuon sa kahihintay sa katuparan ng kaunlaran, na ang mga pangako at pagtatakwil ng mga trapo sa diwa ng People Power ay dumudugtong sa mga pagkaka-buhol-buhol ng mga anunsiyo ng Palasyo.

 Hindi kaagad maisasagawa ang mga programang pang-kaularan paunawa ni PNoy sa mga kritisismo. At ang panahon ng Eleksiyon 2013 ay tiyempong konsolidasyon ng kanyang partido at administrasyon para pausarin pa ang pag-unlad sa natitirang huling tatlong taon ng kanyang termino.

 Parang kambiyo ng limousine mula primera, segunda hanggang kuwartang pagharu-rot sa tuwid na daan. Kaya lamang ay hindi biro ang walong milyong boto ng kabuuang 36.4 na milyon (na bumoto mula sa 52 milyong botante) o 23.7 porsiyentong hindi pa nabibilang hanggang noong Mayo 20.

 Kaakibat ang mga lumilitaw na modus operandi ng pandaraya sa pagmanipula sa laman ng compact-flash (CF)  na isi-nusuksok sa precinct count optical scan (PCOS) na buma-basa naman sa mga datos na nakausulat sa mga balota.

Pagunlad sa ilalim ni Pnoy

 Totoong may pag-unlad na naganap sa ekonomya ng mga Filipino sa unang tatlong taon ni PNoy. Pero kung ang pag-unlad na ito ay naipahayag sa pamamagitan ng buhol-buhol na anunsiyo at gagatungan ng mga kaduda-dudang aberya sa bilangan ng elektronikong boto, lilinaw lamang na ang mga trapong nagtakwil sa diwa ng People Power at ang nanga-ngabayong nasa kanan sa alegorya ng etiketa ng Levi’s ang totoong nakinabang sa pag-unlad na inianunsiyo ni PNoy bago ang eleksiyon.

 Magbabago kaya ang kalagayang ito sa dulo ng termino ni PNoy sa 2016? Kung ang pantalong maong na hinahatak sa dalawang direksiyon ang sumisimbolo sa ekonomiya ng bansa, ang mga nangangabayo ay ang mga elitista at masa ng mamamayang Pilipino bagama’t pawatak ang mga direksyon sa paghatak, tungo sana sa ibayo pa ng tunay na kaunlarang may panlipunang pagkakapantay.

 Habang kagalang-galang sa usad ng buhay ang mga naka-amerikanang sampung mayayamang bilyonaryo: Henry Sy, Lucio Tan, Enrique Razon Jr., John Gokongwei Jr., David Consunji, Andrew Tan, Jaime Zobel de Ayala, George Ty, Roberto Ongpin at Eduardo Cojuangco Jr., ang masa ng mamamayan ay nakadidiring magiging abuhin ang dilat na mga mata, buto’t balat, samantalang mga nakahubo.

 Para sa reaksiyon, mag-email sa avetzki@yahoo.com

 **Ang Lupalop ay pagla-lakbay, pangingibang-dagat.    

 

   

 

 

 

 

 

Malayo na ang narating ni Roberto O. Umil sa larangan ng pagsulat mula nang mapadpad sa Maynila at umibig sa wikang Filipino. Tatlong beses ng binigyan ng gawad sa Palanca para sa kanyang tula, kinilala rin ng Gawad Ka Amado V. Hernandez Literary Awards, SP Lopez Literary at Multimedia Contest, at My Rizal 150 Years Essay Writing Contest at awtor ng premyadong aklat na Oda sa Kaldero at Iba pang tula.Para sa komento, mag-email sa avetzki@yahoo.com