Save 20% off! Join our newsletter and get 20% off right away!

Lapastangan

Tuwing Agosto sa Pilipinas, may nagpapatugtog na sa radyo ng mga kantang pangkaroling. Ang mga programa sa telebisyon ay sumabay rin sa pagbrodkas ng pagbilang mulaikalawang linggo ng Setyembre patungong ika-100 araw sa Disyembre 25. Namumutiktik na ng mga pahiyas na pamasko ang mga sentro ng kalakalan sa Metro Manila gaya ng mga corporate city, mall, super-market, fastfood, mga bar. Maging ang loob at labas ng mga kapitolyo, munisipyo, city hall, barangay hall, mga bilding, simbahan, eskuwe-lahan, plaza, istasyon ng radio, istasyon ng TV, istasyon ng pulis, istasyon ng bus. Sa ganitong pagkakataon ay sumasabay na rin ang mga mata ng mga empleyado sa pagkutikutitap ng pag-asa sa mga bonus.

Lahat yata ng mga insti-tusyon at istasyon ay hindi paiitsa-puwera sa paggayak. Mayroong mga Christmas tree, Santa Claus at ang kanyang mga reindeer, styropor para sa epektong niyebe o snow, snowman, mistletoe, poinsettia, Christmas light. Lahat ng mga imaheng ito maliban sa kla-sikong parol ay hindi na pansin kung banyaga o dayuhan ang mga kaisipang pinanggalingan. Hindi bale nang pinagtatakpan ng ilusyon nito ang kasalu-kuyang realidad na ang karamihan ng patrabaho sa bansa ay walang mga benipisyo at seguridad.

Wala na ngang sariling lupa karamihan ng magsasaka, unti-unti na rin silang hindi naki-kitanim sa bukid ng pangi-noong may-ari ng lupa. Pero nakakalat na rin sa mga bangketa ang sari-saring imported na prutas na bilog na karaniwang ihinahanda tuwing pasko. Sinasabing isa sa mga dahilan itong pumatay sa agrikultura ng bansa. Pero inaasahang magdadala ng suwerte pagsapit ng bagong taon. Hindi bale nang walang tunay na industriyalisasyong magpapasulpot ng trabaho ng mga Pinoy basta sila ay magOFW. Tutal mababa ang pasahod sa bansa kaysa mataas na di hamak ang kita sa abrod.

Pero parang masaya ang lahat. Nagbabalak na ng mga regalong ibibigay sa monito-monita o exchange gift, palabas na itatanghal sa Christmas party. At para patingkarin ang kabanalan ng panahong ito sa kabila ng mga pagsasaya, naririyan sa gitna ng mga pahiyas ang dekorasyong si Baby Jesus na kasisilang sa Belen o Betlehem. Kasama ang kanyang mga magulang, tatlong haring nagsidalaw at mga karaniwang tao sa anyo ng mga pastol. At halos parang nagkakaisa sa pakiramdam ang lahat na ang aral ng panahon ni Baby Jesus at buong buhay niya sa daigdig ay pag-aalay sa karaniwang tao. At ipina-pangaral ng lahat ng Kristiyano na paglingkuran ang kapwa. Lalo na ang mahihirap gaya ng mga empleyado, karaniwang OFW at magsasaka.

Kung hindi pa inaabot ng malalang amnesia ang lahat, maaalalang pinutakti ang artist na si Mideo Cruz nang lumikha siya ng “Poleteismo”, sining instalasyong nagpapakita ng litrato ni Hesukristong diniki-tan sa noo ng ashtray na may disenyong ari ng lalaki. ‘Yong tipo ng ashtray na nabibiling pasalubong galing Baguio. Nagkaisa ang simbahang Katoliko sa pagpagbansag kay Cruz at sa uri ng kanyang sining bilang lapastangan. Tinawag siya ni Bishop Oscar Cruz na sick o may sayad. Kahit hindi binigyan ng pagkakataon ng mga Katoliko na basahin ang sining instalasyon ni Mideo bilang sining.

Lingid sa kaalaman ng mga bumatikos kay Mideo, ang kanyang sining ay isang komentaryo sa patriyarkiya o sistemang panlipunang nagpapalagay na kalalakihan ang dapat na awtoridad. Isang sistemang nananaig hanggang sa kasalukuyan at lumalapastangan sa kapwa lalaki. Lalo na sa kababaihan maisulong lamang ang negosyong gumagamit sa mga imaheng banal sa dominanteng relihiyon. At hindi ito itinuturing na lapastangan kahit pa tahasang isinasangkalan sa komersiyalismo. Sa ganitong kalakaran, tumitingkad ang ilusyon ng kasaganahan ng lahat kahit iilan lamang ang mga bilyonaryo at milyonaryo sa Pilipinas at buong mundo. Maligayang pasko.

Para sa mga reaksiyon, mag-email sa avetzki@yahoo.com

 

Malayo na ang narating ni Roberto O. Umil sa larangan ng pagsulat mula nang mapadpad sa Maynila at umibig sa wikang Filipino. Tatlong beses ng binigyan ng gawad sa Palanca para sa kanyang tula, kinilala rin ng Gawad Ka Amado V. Hernandez Literary Awards, SP Lopez Literary at Multimedia Contest, at My Rizal 150 Years Essay Writing Contest at awtor ng premyadong aklat na Oda sa Kaldero at Iba pang tula.Para sa komento, mag-email sa avetzki@yahoo.com