Matagal na panahon nang nilalaro-laro ng midya sa Pilipinas ang wikang Filipino. Pinagkakakitaan lamang ng partikular na estado ang paggamit sa wika. Walang malasakit sa naging epekto sa pambansang kamalayan ng mamamayan.
Salitang musmos ang paraan ng bigkas ng binatang si Bondying, karakter na likha sa komiks ni Mars Ravelo, ginampanan ni Fred Montilla sa pelikula noong 1954. Ganoon din ang bigkas ng isa pang binatang personang si Bentot na sumikat sa Tang Tarang Tang, programang pangradyo at telebisyon noong dekada 60. Binigyang buhay ulit noong 1973 ni Jay Ilagan, at 1988 ni Jimmy Santos, ang binatang musmos kung bumigkas.
Sumunod ang Filipinong haluan ng Carabao English. Paraan ng pagsasalita ng mga karakter ni Erap sa di kakaunting pelikula. Sa katagalan ay naging serye ng mga birong inilibro. Nagka-roon pa ng babaing bersiyon ang ganitong karakter na ginampanan ni Maria Theresa Carlson, sumikat bilang “Si Ako, Si Ikaw,” sa isa pang programang pangtelebisyon. Saka lumaganap ang mga ito na parang mga laruang ibinibenta kasama ng mga pagkain sa fastfood. Sa ganitong tradisyon ginagasgas na pagsalitain ng mga prodyuser ang mga alaga nilang mestisa-mestisong aktor sa simula ng karera nila sa industriya ng aliw.
Mapapansin ang padron o proseso ng pagsahol sa paglalaro ng midya sa pambansang wika natin. Una, salitang musmos ng binatang karakter. Tapos, naging Filipinong haluan ng Carabao English. Saka naging Ingles na haluan ng bulol na Filipino. Kung oobserbahan pa ang kamalayan ng naturang karakterisasyon, ihinahayag ng ganitong representasyon ang paglingkis ng wikang Ingles sa wikang Filipino. Kung ang representasyon ay nagpapa-hiwatig ng abilidad ng utak sa kakayahang pangwika, baga-ma’t nakakaaliw hindi mahirap unawain na depektibo ang ganitong senyales.
Samantala, naglabas ng Resolusyon Blg. 13-19 ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nasa anyong mung-kahi ang layunin ng resolusyon na palitan ng “F” ang “P” sa Pilipinas. Sa sanaysay niyang “Patayin ang ‘Pilipinas’,” nasulat noong 1992, may tatlong dahilan na ipinanga-ngatwiran si Virgilio Almario, Tagapangulo, KWF.
Una, orihinal daw kasi ang Filipinas na ibininyag ni Villalobos noong 1543 kaysa Katagalugan, tawag ni Bonifacio sa bansa. Gayon din sa Philippines na ayon pa kay Almario ay “itinawag sa atin ng imperyalsimong Amerikano.” At sa Pilipinas na bersiyong Tagalog sa kapanahunan ni Lope K. Santos. Ikalawa, ipinagtutugma lamang diu-mano ang Filipinas sa mamamayang Filipino. At ikatlo, “makapagpapagaan din sa pagtuturo ng wastong ispeling sa mga bagay na kaugnay ng ating katangiang pambansa.” Pinalawig pa niyang sinasagisag ng modernisasyon ang mga dagdag na titik /c,/f,/j,/ñ,/q,/v,/x,/ at /z,/ sa diksyunaryong Filipino. Kung kaya, para sa kanya, dapat maging F na ang P sa Pilipinas.
Sa unang basa, umaapila sa diwa at gawaing makabayan ang mungkahi ng punong komisyoner. Pero pansining nagkokontrahan ang mga puntong ikinatwiran. Niyaya-kap ni Almario ang Filipinas na binyag at pinairal noong kolonyalismo ng kahariang Espanyol. Pero kinokondena ang Philippines na pataw noon ng madugong pananakop ng imperyalismong Amerikano. Ang mga tunog ng ilang titik na idinagdag sa bagong alpabeto ay binibigkas na ng mga ninuno nating katutubo noon pang prekolonyal. Bagamat masasang-ayunang hibo ng modernisasyon ang pagdagdag ng mga ito sa diksyunaryong Filipino.
Nalimutan ng punong komisyoner ang sariling kultura ng ating lahing sinaligan ni Rizal sa kilusang propaganda mula sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio Morga. Gayumpaman, si Rizal mismo ay umaming bigo ang kilusang propaganda para gawing probinsiya ng España ang Filipinas. Bukod sa hibo ng modernisasyon sa pormal na aspekto ng wika, ang kasalukuyang nararanasan ng mayorya ng mamamayang Filipino sa praktikal na buhay ay atrasado. Taliwas sa inaasahang hangarin ng punong komisyoner mula sa sarili niyang katwiran, lalong kalituhan pa ang ibubunga ng partikular na resolusyon ng KWF. Hindi masamang mang-aliw kung pinaninindigan ang kapakanan ng mga inaaliw. Pero kung ang abilidad ng pambansang kamalayan na ang pinipinsala, panahon nang mag-isip ng mas responsableng pang-aaliw.
Hindi bibihira ang mga aktor na bulol mag-Filipino ang kinagigiliwan ng mga naaaliw. Ang pagkabulol ng mga alagang aktor at pagkagiliw naman ng naaaliw ang sinasamantalang kalakalin ng mga prodyuser para sa mas limpak pang tubo sa pang-aaliw.
Sa kabilang banda, wala ring masama sa anomang mungkahi ninomang upisyal sa larangang kultural kung magpapanum-balik at magpapatatag ng pambansang kamalayan ang kanyang panukala. Sa ganitong paraan naglalapat katwiran at aksiyon ang isang res-ponsableng mungkahi. Kinakailangan pa ngang isabatas dahil makabubuti.
Pero kung makapagpapalala pa ng depektong kamalayan, magkabilang dulo lamang ng iisang lubid ang iresposableng aliw at malisyosong panukala. At ang lubid na ito ang isinasakal ng mga irespon-sableng prodyuser at malisyosong nagpapanukala habang inaabuso at pinagkakakitaan ang aliw na aliw na mga panig ng mambibigkas at nagsusulatan sa isang komunikasyon.
Para sa reaksiyon, mag-email sa avetzki@yahoo.com
**Ang Lupalop ay pagla-lakbay, pangingibang-dagat.
Leave a Reply