(Maraming Kristel Tejada ang hindi pa nagpapakamatay. Para sa kanila ito.)
Ultimong aparatung sanayan ng pagkamanhid ang MRT. Paghahanda ang pagpapaubaya ng personal na puwang sa pagsakay sa kotse nito. Nakagawian na ang disiplinadong pagpila. Pagpanhik ay nagpapasubaling tatabi kapag okupado na ang kabahaging upuan. Hindi gaya sa MRT na balyahan at walang pakundangan.
Nagsisimula ang pagsasanay pagsapit ng mga madaliang oras: bandang alas otso hanggang alas diyes ng umaga, alas dose ng tanghali hanggang ala-una ng hapon, alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-otso ng gabi; madalas akong matiyempo sa mga oras na ito bilang estudyanteng pasahero.
Galing sa Lungsod ng Muntinlupa, sumasakay sa Magallanes pa-Quezon Avenue Ikinokondisyon ng uri ng transportasyong ito ang aking matalik na puwang. Tinuturuan maging manhid o desensitized, sa ayaw at sa gusto, ang kama-layan ko.
Nagmamando ang pagsasanay na ito sa pila pa lang habang iniisip ang mga aralin ng mga prinsipyo ng kurso. Kasangkapan ang kurso kong Malikhaing Pagsulat sa pagsa-saalang-alang ng panitikan, sining at kulturang nagsusulong sa kapakanan ng mga kababayan at bansa nang higit sa sarili.
Para masaya ang karamihan. Ang mayorya, kundi man ang lahat. Pero pag-akyat na pag-akyat pa lang sa estasyon, dumudugtong na ako sa pro-seso ng pagsasanay bago ang pagrekisa ng guwardiya sa dala kong bag. Sinisikap maging konsentrado sa mga aralin.
Pero may bumubundol sa likod. Sasagi sa tagiliran. Saka mapapabundol din ang harapan ko sa puwitan ng nasa harapan. Mapasasagi sa kapwa kompyuter ang kanan at kaliwang balikat depende kung saan galing ang sumagi.
Walang pasintabi. Walang paumanhin. Minsan, ako ang nauunang bumundol at sumagi. Hindi rin ako nagpapasintabi. Hindi rin nagpapaumanhin dahil sa pagmamadali. Pag-lampas sa guwardiya, susuungin ang mas makapal at mas siksikang pila ng mga bumibili ng tiket.
Sa puntong ito, ang sariwa at sensitibong pakiramdam ng balat na tinusukan ng hangin kapag hindi erkon ang bus na sinakyan, o kaya ay inilado ng lamig kapag erkon, ay may bahagya nang pamamanhid.
Kinakailangan ang kondisyon na ito ng balat para hindi maramdaman ang bahagyang kiskisan at siksikan. Pero kapag umusad nang nakikipag-unahan mula sa pinaka-toll gate ng mga pasahero, bumibilis ang hakbang. Pati ang pagtindig habang nakapila sa plataporma. Kailangan alertong nag-aabang sa pagdating ng tren. Kapag lalamya-lamya, siguradong masisingitan.
Mararamdaman ang pagdating ng tren kapag naggirian na sa pag-aabang. Tatapat ang pintuan sa dilaw na markang kinatatayuan, bubuka ang pinto. Habang pumapasok sa loob, mas sisidhi ang mga puwersa sa harapan, sa likod, sa magkabilaang tagiliran at balikat.
Makukupot ang matalik napuwang. Binabalya-balya ang balat ng katawan na unang nakadarama ng hawak, haplos, hipo, hagod, yakap, dampi, halik, dila, darang, basâ. At kapag nakapuwesto na sa loob, tagos na tagos sa matalik na puwang ang mga balikat, dibdib, bilbil, balakang, puson, puwit, likod, mga hita, braso, siko, bisig, kamao, daliri ng mga kapwa pasaherong estrangherong nasa sona lamang dapat sana ng sosyal at publikong puwang. Kapag umangal ay maaaring masa-bihan na “maarte,” “mag-taksi ka kung ayaw mong madikitan!”
Para maiwasan ang pakikipagtalo, kadalasang nananahimik lang ako. Tinitiis ang nakaaasiwang pagsuot sa personal at matalik na mga puwang hanggang madama ng balat ang pagbalya ng mga estrangherong katawan sa sariling katawan. Sabi ni Mang Edong Bulwagan, ang matalik na puwang ay sona ng puwang ng indibidwal na sinasaklaw ng personal na puwang. Nakalaan ang puwang na ito para sa mga minamahal sa buhay at alaga.
Maidadagdag ko ang mga laruan, kagamitan sa trabaho ng indibidwal.Mula sa katawan ng indibidwal, mayroon itong sukat na anim na pulgada at bababa pa ang pinakamalapit. Aabot naman sa anim hanggang labing walong pulgada ang pinakamalayong matalik na puwang. Mula personal na puwang palayo ay ang sosyal at publikong mga puwang na sumasaklaw naman sa mga personal at matalik na mga puwang. Gaya ng matalik na puwang, ayon pa kay Mang Edong, mayroong sapat na sukat din ang mga ito.
Hindi ako makasasalungat at hihidwa sap unto ni Mang Edong. Hindi niya sinasabing ang indibidwal na puwang ay pribadong puwang. Magdidepende ito sa kultura ng indibidwal. Kung ang mga kanluranin ay pribado ang kabuluhan ng pagpapahalaga sa matalik at personal na mga puwang, tayong mga Pinoy na laki rito sa silangan, iba sa agam-agam ng mga Pinoy na laki roon sa kanluran, ay may tradisyong komunal, (o pagpapahalaga sa pagkakaugnay-ugnay ng mga sosyal, publiko, personal at matalik na mga puwang.Ito ang konseptong nagpainog sa pagbunsod ng Bahay sa Ulog ng mga ninuno nating Igorot sa hilaga at ng Bahay Torogan ng mga Manobo sa Timog. Sa mga tipo ng bahay na ito ay tabi-tabi ang moda ng pagtulog ng mga magkakatribu. Espesyal ang Ulog na itinakda ng dapay o lupon ng pamahalaang binubuo ng mga nakatatandang Igorot para sa mga magkarelasyong binigyan ng pahintulot para magtalik bago ikasal.Saan pa kaya manggagaling ang paliwanag sa pinanggalingan ng obserbasyon ng mga kanluranin sa pagkamalapit natin sa mga kamag-anak at kapamayanan, gaano man kalayo ang digri, ng binansagan nilang “extended family.”Walang balyahan sa konsepto ng mga bahay na ito.
Bago pa ang konsepto ni Mang Edong, ipinakita at itinuturo na ng ating mga ninuno ang pagkakaugnay ng mga puwang na abot-hininga, abot-kamay at abot-tanaw bilang kanlungan, tahanan ng komunal na mga pangarap at mithiin. Hindi dapat pinaghihiwahiwalay ang mga ito. Maging ang mga aliping sagigilid at namamahay na mga binihag sa pakikihamok, ay kaugnay sa pamumuhay ng uring nangibabaw sa dulo ng mga pangayaw, o deklarasyon ng labanan ng tribu sa tribu.Kaiba ang konsepto at naging trato ng mga kolonisador sa mga ninuno nating binalya at binihag ng pananalakay ng mga kolonisador.
Pinalala pa ng pambabalyang sikolohikal at moral, sa pamamagitan ng CONFESONARIO, bahagi ng MANUAL TAGALOG PARA AUXILIO BRILODOSOS, akda ni Fray Sebastian De Totanes para sa Katolisismong indok-trinasyon ang kuha ko kay Mam Chari. Dagdag pa ang iba’t ibang anyo ng mga parusang gaya ng: garote, paglatigo ng mga prayle at guwardia civil; at water boarding, pag-ipit ng mga bala sa pagitan ng mga daliri habang pinipisil at iba pang pahirap ng mga sundalong Amerikano sa mga ninuno nating may bukod-tangi ang pagpahalaga at nagtanggol sa konsepto ng komunal na puwang.
Malayo na ang mga aral ng pambabalyang ito sa mga karanasan natin ngayon. Lalo lamang lalayo ang pagkatuto kung tuluyang ibabaon sa limot. Maaaring iwasan ko ang pagsakay sa MRT. Pero sayang din ang natitipid na pamasahe. Ang natitipid na pamasahe atpandugtong lakas sa pagtawid-gutom. Mas mabilis ding naka-rarating sa mga himipilang tong-tong-tong-tong paketong-ketong na pinagpipol pawerang EDSA. Gayumpaman, natututuhan ko nang kalugdan na may tumatagos sa sariling matalik na puwang. Ganoon din namang tatagos ako at babaon sa matalik na puwang ng mga kagyat na katabi habang wala pa sa takdang himpilan.
Dati rati, iniisip kong nalalabag ang matalik na puwang kapag nababalya ang katawan ko. Dahil nakalaan nga ito sa mga mahal sa buhay, alaga, mga laruan at gamit sa trabaho. Kaya naman gumaganti ako ng balya. Magkakaroon ng pagtatalo. Humahantong sa muntikanang paglutas nang lalaki sa lalaki. O kaya ay pahiyaan at pasakitan ng mga salita kapag babae ang nakakabalyahan. Nagiging pataasan lang tuloy ng ihi ng kung sino ang mga walang pakundangan. Hindi ako napipikon na tawaging makapal ang mukha. Hindi naman kasi ako tradisyonal na pulitiko. Kailanman ay hindi rin ako bumitaw sa katwiran para lamang makipagbasag-ulo. Saka hindi naman talaga magkakaaway ang mga gaya kong nagtitiyaga sa MRT.
Lima hanggang anim na araw sa loob ng isang linggo akong naglalakbay mula sa amin papuntang kampus at pabalik. Sa loob ito ng dalawang taon.
Sakaling kayahin pa ang pang-matrikula, may dalawang taon pa akong magpabalik-balik. At sa panahong ito, kailangang kailangan ko ang pampamanhid. Magsisilbing pampamanhid ang pagkalugod habang nalalabag at lumalabag ako sa matalik na puwang ng may matalik na puwang.
Sisikapin kong panatilihin ang pagkalugod sa gitna ng paglalakbay. Mas importante sa akin na marating ang pagsasanay sa paglikha ng panitikan, sining at kultura para sa nakararami.
Kasama na ang mga kapwa pasahero. Ito ang hindi dapat kamanhiran ng aking malay. Bagamat importante ring kara-nasan ang paglalakbay sa MRT para sa pagpapatining ng kasanayan sa malikhaing pagsulat. Ituturing ko na lang na Bahay sa Ulog o kaya ay Torogan ang tren. Naglalakbay rin ako sa daigdig ng karunungan sa loob ng klasrum. Pero may sapat na puwang para sa pakikipag-diskurso sa kapwa estudyante at guro. Kung idadagdag pa ang pagkasardinas sa loob ng ultimong aparatu ng pagkamanhid, kalulugdan ko rin ang sarsa. Hinihirayang sarsa sa gitna ng anarkiya. Ang kaibahan lang ng sardinas sa akin, ito ay wala nang central nervous system.
Mga pinagsanggunian:
Lucero, Rosario C., Ph. D. ”Serye ng Mga Lektura, MPs 198, UP D. Nob.-Mar. 2013
Hall, Edward T. “Proxemics.” Wikipedia The Free Encyclopedia. 2013. 23 Mar. 2013.
http://en.wikipedia.org/wiki/Proxemics
Para sa reaksiyon, mag-email sa avetzki@yahoo.com
**Ang Lupalop ay paglalakbay, pangingibang-dagat.
Leave a Reply