Save 20% off! Join our newsletter and get 20% off right away!

Kung Hindi Ngayon, Kaylan Pa?

 

Pres. Aquino declares that the situation in Tacloban is under control amid reports of massive looting .
PH Pres. Benigno Aquino III

Nitong mga nakaraang araw,  sinubaybayan ko ang pagdinig ng senado kung ano talaga ang nangyari sa Mamasapano noong Enero 25 nitong taon kung kailan 62 Pilipino, Muslim at mga Kristiyano, ang namatay.

Lalo akong nakumbinse na may mga senador na mahilig magpasikat (grandstanding) sa pamamagitan ng kanilang pagtanong. Ang iba naman ay hindi nakikinig sa sagot ng mga resource speakers dahil paulit-ulit ang kanilang mga tanong kahit nasagot na. Siguro gusto lang nilang siguraduhin na consistent ang mga sagot.

Mayroon ding utak pulbura na tila mas gusto ang patuloy na bakbakan sa Mindanao kaysa magkaroon ng kapayapaan. May isang hindi alam ang kasaysayan kung bakit nagrerebelde ang mga Muslim.

Nagtaka pa ang nasabing senador kung bakit may armas ang MILF. Ay buhay! Kung minsan gusto kong matawa sa kawalan ng kritikal na pag-iisip ng ibang senador, pero napakaimportante ang pinag-uusapan kaya sinubukan ko na lang pasensiyahan ang mga “your honor” natin.

Habang tumatagal, lumalabas na hindi ganon kasimple ang nangyari sa Mamasapano kaya siguro binuo ang “hearings” para malaman kung ano ang katotohan. Pero kung susuriin natin ang mga nakasulat sa mga diaryo o ang mga opinyon ng ibang mga komentador, wala ring pagkakaisa kung ano talaga ang dapat na mangyari.

Gaya ng inaasahan, ang gustong mangyari ng mga tao ay nakapende sa kung ano ang tingin nila kay PNoy noon pa man.

Yong mga dating walang bilib kay PNoy ay gustong patalsikin si PNoy sa pagkapangulo. Kahit hindi nangyari ang engkwentro sa Mamasapano, gusto pa rin nilang sibakin sa pwesto si PNoy. Ngayon ginagamit nila ang  pagkamatay ng 44 na pulis para patalsikin si PNoy.

Kabilang dito ang mga nasa Kaliwa kasama ang mga  tradisyonal at kaaway ng pangulo sa pulitika. May ilang obispo rin ng simbahang Katoliko na pinareresign si PNoy. Pwede rin kayang manawagan si PNoy na tanggalin sa pagka-obispo ang mga tinaguriang “Pajero Bishops?”

Ayon sa balita, mayroon ding mga nagbabalak na maglunsad ng kudeta. Sabi ni Senadora Santiago may alam siya tungkol dito. Sabi naman ng iba “diversionary tactic” daw ito para mawala ang sentro ng usapin kay PNoy. Ang iba naman ay nagsasabing dapat tapusin ni PNoy ang naiiwan niyang mahigit isang taon pang pagkapresidente dahil baka raw mas malala pa si Bise Presidente Binay.

Kaya lumalabas na hati ang sambayan sa kung ano ang dapat mangyari.

Sa aking sariling pananaw, lumalabas na mas binibigyan diin ng mga mambabatas, mga manunulat, mga tao (lalo na yong mga nasa Luzon at Visayas) kung ano ang dapat mangyari kay PNoy sa halip na bigyan ng pansin ang kahalagahan ng Bangsamoro Basic Law (BBL), na sa tingin ng nakararami, ito ang susi sa tunay na kapayapaan at pag-unlad ng kabuhayan ng mga Muslim. Para sa akin, mas importante ang BBL kaysa kay PNoy dahil sa magiging epekto kung hindi ito ipapasa ng ating mga mambabatas.

Ang buhay ni PNoy ay secure na secure na pagkatapos ng kanyang tungkulin bilang presidente sa 2016. Pero ang buhay ng mga Muslim ay hindi.  Ganito kahalaga ang BBL.

Masakit man sa aking kalooban na may mga pulis at kasapi ng MILF na namatay sa Mamasapano, hindi dapat gamitin itong trahedyang ito para pahinain, i-delay o pansamantalang isan- tabi ang usapin ng kapayapaan sa Mindanao. Dapat nga mas lalong paigtingin ang usaping kapayapaan sa Mindanao. Hindi dapat maging biktima ang BBL ng enkwentro sa Mamasapano.

Base sa aking nababasa sa social media, sa mga diaryo at kung ano-anong magasin, ganon na lang ang panawagan ng mga taga- Mindanao na dapat ipagpatuloy ang BBL. Nauunawan ko ang kanilang damdamin at saloobin dahil sila ang nakakaranas ng hirap, hindi ang mga mambabatas o kritiko ni PNoy,  sakaling magkaroon uli ng labanan ang MILF  at AFP.

Tatlo o apat na taon nang walang nangyayaring sagupaan ang MILF at AFP dahil sa matagumpay na usaping pangkapayapaan ng MILF at ng pamahalaan. Totoong hindi perpekto at marami pang dapat ayusin para magkaroon ng tunay ng kapayapaan sa Mindanao, subalit mas magiging malubha at madugo ang mangyayari kung isasantabi na lang ang BBL.

Ito, sa tingin ko, ang hindi nakikita at nauunawaan ng ibang mambabatas at mga kababayan natin. Emosyon o pampulitikang interes ang pinaiiral sa halip ng tamang pag-iisip. Siguro maiiba ang kanilang paningin kung sila mismo ay nakatira sa Mindanao at araw-araw nilang nararanasan at nakikita ang paghihirap ng mga kapatid nating Muslim at Kristyano.

Habang sinusulat ko ang artikulong ito, may mga balita na naghahanda na raw ang MILF sa posibilidad na baka magkaroon uli ng digmaan ang puwersa nila at ang gobyerno dahil tuluyan nang ibabasura ang BBL ng mga taong utak pulbura kung mag-isip.

Ito ba ang gusto natin?

Tama ang mga nagsasabing mahigit pa sa 44 na pulis, 18 MILF at 5 sibilyan ang mamamatay kung sakaling manaig ang kaisipang itinataguyod ng ibang mambabatas na i-delay o i-waterdown ang BBL. Madaling sabihin na i-delay o i-waterdown ang BBL.

Pero sa mga Muslim na ilang libong taon nang naghihirap o inaapi at BBL na lang ang nakikita nilang pag-asa para magkaroon ng tunay at pangmatagalang  kapayapaan, hindi katanggap-tanggap sa kanila na isantabi muna ang BBL. Sabi nga ng mga aktibista noong panahon ng Batas Militar,  “Kung hindi ngayon, kailan pa?”

Isa sa mga natutuhan ko sa hearing sa senado ay ang kakulangan ng pag-unawa ng ating mambabatas sa tunay na kalagayan ng mga Muslim. Ang lakas ng bias laban sa mga Muslim at sa kanilang pag-uugali at kultura na dala ng baluktot ng pagkaunawa ng kanilang kasaysayan sa kamay ng mga naghaharing uri na hindi nila kadugo at karelihiyon.

Napakalaking oportunidad para mabago ito sakaling maging batas ang BBL.  Walang kasiguraduhan (absolute certainty) na walang magiging problema o hindi mauulit ang ano mang bersyon ng Mamasapano. Sa bandang huli, mas makakabuti para sa lahat kung may BBL kaysa sa wala.

Sa ganitong paraan, baka maiwasan ang iba pang Mamasapano.

Awtor Greg Castilla ay retiradong propesor mula sa Seattle, USA at ngayo’y nagtuturo sa  pag-aaral tungkol sa Multikulturalismo sa University of Nueva Caceres sa lungsod ng Naga sa Camarines Sur.