Patutsada ng mga puna sa mga napiling kumandidato sa Eleksiyon 2013 ang ipinang-aliw ng 4 Da Vote, isang palabas na kombinasyon ng mga kantahan, iskit at stand up comedy.
Variety show sabi nga. Sinulat at dinirek ni Mamu Andrew de Real, tinatampukan ng mga komedyanteng sina K Brosas, Pokwang, Pooh saka ni Chocoleit at ilang bisitang tapagtanghal. Ipinalabas sa Music Museum, San Juan City noong Abril 19, 20, 26 at 27.
Atake agad sa pambungad ang pagkahon sa mga isinusumpang uri ng pulitiko. Alam na natin ang Trapo—tradisyonalna pulitiko. Pero idinag-dag pa nila ang BIMPO—binuyo ng magulang sa puli-tika; PASADOR—ipinasa sa anak ang pagkasenador; DUMI—dumugas ng milyon-milyon. Ilan lamang ang mga ito sa mga natandaan ko.
Sa kulturang Pinoy, nagpa-patutsada ang isang nagmama-gandang-loob, kapag nilabag ng nakikisalamuha ang kan-yang pakikisama. Sa pag-asang pakikitunguhan ng pinatutsa-dahan ang kultura ng kanyang komunidad. Kung ganoon ay hindi basta nagpapatutsada lamang ang nalabag. Isang kondisyon nito ang pagkilala sa kanilang mga kinagawian, tradisyon at samahan.
Halimbawa nito, nang umabot sa sukdulan ang pang-aabuso at pang-aapi ng mga Kastila sa ating mga ninuno. Isa sa mga dokumentadong patutsada sa anyo ng pang-ungutya ang Dasalan at Tocsohan ng propagandistang si Marcelo H. del Pilar.
Ang Dasalan at Tocsohan ay kontra-diskurso ni del Pilar sa diskurso ng pagtitiis na ipinataw ng mga prayle sa ating mga ninuno.
Sa kurso ng pagpapalit ng kolonisador sa pagpasok ng ika-20 siglo, ang kultura ng pagtitiis ay pinalawig lamang ng Amerikanisasyon.
Kaya ang pang-aapi at pag-sasamantala ng mga kolonyal na estado, hanggang ng mga kababayang lider nang nag-sariling republika ang Pilipinas, ay inaalukan pa ng kabilang pisngi.
Hanggang sa kasalukuyan ay nakaprograma pa ito sa kamalayan ng kalakhan ng mamamayang Pilipino.
Malalaman ang epekto ng mga puna sa mga kumandidato ngayong tapos na ang eleksiyon. Magbago nga kaya ang mga trapo? Ilan sa mga puna ng mamamayan, sa pamamagitan ng mga isinatinig ng produksiyon, ang walang kamatayang korapsiyon, manakanakang pagpapatupad ng programa, pagsisiraan ng personalidad imbes na magtuon sa pagpapaliwanag ng plataporma, at pampulitikang dinastiya.
At ang mga kinutya ay datihan at baguhang kumandidato sa pagkasenador: Loren Legarda, Cynthia Villar, Risa Hontiveros at mga kongresista: Manny Pacquiao at Annabele Rama.
Pinakatampok na bahagi ng mga iskit ang pagkutya sa mga talumpati at debate sa telebisyon ng mga kumandidato. Lumutang ang paggganap ni Chocoleit kay Erap. Hindi niya kinailangang gayahin ang boses, tulad ng ginagawa ni Willie Nepomuceno, sapat na ang bihis at kilos ni Erap sa paglakad. Gaya ng sa tunay na buhay, bunsod sa personal na atake sa kalabang kandidato ang patawa tungkol sa bingo na ginawang lunsaran ng kampanya ng partido ni Erap.
Sa tunay na buhay, ipinatupad lamang daw ni Mayor Alfredo Lim ang isang ordinansang nagbabawal sa ingay at publikong pagkagambala, kaya ipinahuli ang nangampanya sa pagkabise alkalde na si Isko Moreno. Hagalpak ang manonood nang bigkasin ang punchline na, “ibinubulong ba ang bingo” kapag may tumama?
Samantala, walang kaugnayan sa eleksiyon ang mga kantahan at ilang patawa ng mga bisitang nagtanghal. Mas malamang may kinalaman ito sa romantisismong walang kawawaan at sa relasyon ng parehong kasarian ng kalalakihan.
Sa bahagi ng bisitang taga-pagtanghal, ayos sana ang bahagi ng baklang nagkuwento ng tungkol sa kung paano naaapi ang pangit at nagsasamantala ang maganda sa pag-aaplay ng trabaho. Pero sinapawan ito ng pangiinsulto sa pagtatalik ng parehong bakla na ngongo ang karelasyon. Sa tampok na mga tagapagtanghal naman ay ipinangalandakan ang pagriribal ng dalawang “petsay,” patungkol sa ari ng babae at di kaiga-igayang amoy nito habang nagpuputa sa mga pulitiko.
Sa puntong ito, nalantad ang kahinaan ng 4 Da Vote. Sumundot ng asiwang pakiramdam ang sexistang mga tirada. Kinapos ng siste at pananaw si de Real na iugnay ang pag-kabangkarote ng mga Trapo,Bimpo, Pasador, Dumi sa kabiguan ng kasalukuyang sistemang elektoral bilang karagkarag na makinarya ng demokratikong proseso, o liberalismo ng mga elitistang pulitiko, ang eleksiyon sa Pilipinas.
Hindi niya nakita na tokenismo lamang ito para magmukhang nakalalahok ang mga kinatawan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan.
Hindi kinakailangang ikumpara ang 4 Da Vote sa ginagawa ni Willie Nepomuceno at iba pang betaranong impersonator na nagpapalabas ng makabuluhang aliw at nagpapahayag ng komentaryong panlipunan sa napili nilang larangan ng sining. Masasabing maayos ang karamihan ng mga teknikal na rekisitos nitong 4 Da Vote. Halimbawa, nakapagpasigla sa manonood ang paggamit ng banda The Boxer, kaysa minus –one at lip synching. Ang paggamit ng grupo ng mga mananayaw para isagawa ang slow motion sa komprontasyon ng dalawang karakter na puta, K Brosas at Pokwang.
Ganunpaman, ang kabuuan ng produksiyon ay lumalabas na hindi naiiba sa karaniwang tangka ng mga alagad ng sining na pagkakitaan lamang ang kanilang larangan habang kontaminado ng nakapagpapabigat na kaisipan gaya ng sexismo at personal na atake ang nilalaman ng kanilang sining.
Pagdausdos ito kung gayon, mula sa tradisyon at legasiyang ipinamana ni del Pilar sa sining ng panitikan ng Pilipinas at iba pang makabuluhang mandudula ng bansa. Ang masisteng sining ng propagandista at makabuluhang mandudula ay kinaladkad sa kangkungan ng iresponsableng kabaklaan. Paano nga ba magbabago ang mga pinatutsadahan kung ang mga nagpatutsada mismo ay bihag din ng kulturang kinukutya?
Habang lumaladlad ang pagtatapos ng 4 Da Vote, pinag-isipan ko, sa kasagsagan ng tag-init, kung paano nga ba ako natawa sa tangkang pang-aaliw at pang-iinsultong nakaka-asiwa. Kung paano pinilipit ang kultura, kinagawian, tradisyon, samahan at kagandahang loob ng mga inaapi at pinagsasamantalahan.
Napakamot na lang ako sa batok… Inaasahang sa tag-ulan ng pag-unlad ng lipunang Pilipino, kukokak ang mga palaka. Kasabay ang mga bangkaroteng pulitiko at iresponsableng bakla.
Para sa reaksiyon, mag-email sa avetzki@yahoo.com
**Ang Lupalop ay pagla-lakbay, pangingibang-dagat.
Leave a Reply